Wednesday, August 26, 2009
ANG MANGINGISDA AT ANG MANANANGGOL
Sa dagat na mapayapa, tahimik at walang alon
Manananggol ay nangusap, naggugol nang mga tanong
Sa mangingisdang halata mong tila baga nasusukol
Bilang ika'y mangingisda na dito ay mamamayan
Bilang tao'y alam mo ba ang taglay mong karapatan
Mangingisda ay sumagot habang siya'y nagsasagwan
Sabay iling at nagwikang wala akong nalalaman
Manananggol ay ngumisi't tila baga nanunuya
Sa malakas niyang boses kapagdaka ay nagwika
Sa dahilang dimo alam karapatan na biyaya
Kalahati ng buhay mo ay sadya ngang mawawala
Mangingisda'y di kumibo, nagpatuloy sa pagsagwan
Sa sakay na manananggol, tinanggap niya ang tinuran
Maya-maya ay umingay kapawa nila naramdaman
Malalaking mga along niluwa ng karagatan
Ang balisang manananggol ay bigla ngang nabahala
Samantalang mangingisda'y, payapa't di alintana
Ang alon na sa sasakya'y malakas na bumabangga
Niyuyugyog itong bangkang nanganagnib na masira
Mangingisda ay tumayo't sa kasama ay nagtanong
Manananggol ay inalam kung marunong na lumangoy
Nanginginig na nagsabing ang tanung mo't tinutukoy
Kahit kailan saking buhay ang alami'y di naggugol
Mangingisda ay nagwika alam n'yo bang mawawala
Buong buhay na taglay mo pagkat ika'y di bihasa
Sa paglangoy na sasagip sa katawang pinagpala
Ang alon ang siyang tatapos sa buhay mong kinalinga.
Kadalasang iniisip ay sariling kakayahan
Nanlalait nitong kapwa nanghuhusga kadalasan
Pantas ka man kaibigan , dili kaya'y isang paham
Iisa ang katiyakang mayroong ka ring hindi alam
PANIMULA
Tula ay binuo ng mga gunita
Ang nagsilbing ilaw ay sinag ng tala
Naging inspirasyon ay Diyos na dakila
Sa mga babasa'y aking iniaalay
Ang mga salitang ginamit, binaybay
Nais kong mapawi ang dala mong lumbay
At madulutan ka ng ligayang tunay
Atas ng dakilang pag-ibig na angkin
Na maisatinig , bulong ng damdamin
Ang mga kataga na tumataginting
Ay lilok ng isip, nasa puso'y galing
Pakalimiin mo at iyong namnamin
Mga sinasabi't gustong iparating
Baka ito'y tugma at nangyari mandin
Ang sariling buhay , dito'y masalamin
Kung ito'y gamitin sa kapakinabangan
Ang abang makata ay hindi hahadlang
Munting tagubilin ay huwag madagdagan
Ang mga salita'y Ni huwag mabawasan.
Tuesday, August 25, 2009
LIGAW NA PAG-IBIG
Abot tanaw nitong mata, kagandahang nasisilip
Yakap-yakap ng gunita, ang lambing na pinipilit
Na manatili't gustong kunin, at pangarap na maangkin
Subalit ang iyong pagdating ay may hadlang at may sagwil
Na halos nga sa buhay ko ay siyang sukat na kumitil
Paano ba'y naisin man ay hindi rin maging akin
Nagtitiis ang puso ko't nagbabata ng hilahil
Aking namang nadarama, ang gusto ko'y nais mo rin
Na tayo ay magkasama, habang buhay magkapiling
Subalit nga ang panaho'y bakit ngayon lang dumating
Hanggang kailan magtitiis, magdurugo ang damdamin.
Naglulubag itong puso, naglalaho ang pighati
sa tuwing tayo'y magniniig, maglalapat itong labi
Ang dusa ay naiibsan, ang hilahil napapawi
Kapag tayo;y nagdadaop, kahit lamang na sandali
Kapag ikaw ay malayo't lingat saking mga mata
Ang panlunas saking lungkot ang magandang ala-ala
Na tayo ay may damdaming nagtutugma at iisa
Ang puso mo;t ang puso ko'y pareho ng nadarama
Ang pag-ibig na minsan ma'y di nagkaron ng simula
Anu kayang katapusan ang 'bibigay ng tadhana
Patuloy ba na aasa't maghihintay lang sa wala
O hahayaang maglaho lang at mawala na ngang kusa
Sayang o sayang nga mga ligaw na pag-ibig
Sa isang puno sa dawagan, duon siya winawangis
Na ang bunga'y tinuturing na isang lason na mapait
Subalit ang siyang totoo'y malinamnam at matamis
Ang pag-ibig na kauri ay isang sukal sa paningin
Walang dangal, walang puri't kasalanan kung ituring
Subalit kung ang dalawa'y magkaisa ng damdamin
Kung ito ma'y kasalanan , ang mawasto'y ayaw na rin.
Monday, August 24, 2009
PANIMULA
Tula ay binuo ng mga gunita
Ang nagsilbing ilaw ay sinag ng tala
Naging inspirasyon ay Diyos na dakila
Sa mga babasa'y aking iniaalay
Ang mga salitang ginamit, binaybay
Nais kong mapawi ang dala mong lumbay
At madulutan ka ng ligayang tunay
Atas ng dakilang pag-ibig na angkin
Na maisatinig , bulong ng damdamin
Ang mga kataga na tumataginting
Ay lilok ng isip, nasa puso'y galing
Pakalimiin mo at iyong namnamin
Mga sinasabi't gustong iparating
Baka ito'y tugma at nangyari mandin
Ang sariling buhay , dito'y masalamin
Kung ito'y gamitin sa kapakinabangan
Ang abang makata ay hindi hahadlang
Munting tagubilin ay huwag madagdagan
Ang mga salita'y Ni huwag mabawasan.
Tuesday, August 18, 2009
KA PEPING
Punong sadyang pinatatag sa hampas ng mga unos
Matibay ang naging ugat nasa lupa ay tumuhog
Kaya naman ng lumaki’t katawan ay nagkahubog
Bungang hitik ang inani’t matamis ang pagkahinog
Espiritu niyang taglay ay tunay nga na malakas
Pagkat pagsubok na dumating ay di niya kinatinag
Bagkus siya’y sa labanan ay lalo pang tumatatag
Ngayon higit ang buhay niya’y maganda ang tinitahak
Panahon ay kailan lamang di maawat ang paglipas
Subalit ang alaala’y hindi pa rin kumukupas
Kahit buhay niya’y dukha’t sa kayamanan ay salat
Kabataan n’ya ay may saya’t sa tuwina ay may galak
Inspirasyon n’ya sa buhay ay mataas na pangarap
Kaya siya ay nagtiis na magbata at maghirap
At dahil nga nagsumikap ay nakamit n’yaring palad
Tagumpay na ninanais, sa buhay niya’y hinahangad
Nang marating ang tugatog at maabot itong tuktok
Ang paglingon sa ibaba, kailan man ay di nalimot
Laging mayroong pasalamat sa bibig na matatalos
Pagmamahal ay malaki sa lumikha nating Diyos
Ginintuang katangiang taglay taglay ni KA PEPING
Marami ang humahanga’t nag-iibig na marating
Maparisan ay di hangad magaya lang ang katiting
Monday, August 17, 2009
SA DATI KONG NOBYA
Panahong lumipas ng pagmamahalan
Tamis ng pagsuyong di malilimutan
inspirasyon tuwina't magpakailan pa man
Mahaba-haba na panahong lumipas
Pag-ibig ko pa rin sa iyo ay wagas
Mananatili ito't sadyang di kukupas
Habang nabubuhay, ikaw hanggang wakas
Dumating ang araw nitong pagtitiyap
Ika'y nakakita't ako'y nakahanap
Nanag isang pagsuyo na pinapangarap
nagbigay ng lalong pag-ibig na ganap
At sa aking puso'y mananatili ka
hindi mawawala sa aking ala-ala
Ako'y gayon sa iyo, na dati kong nobya
At di magbabago ngayong ASAWA na
Friday, August 14, 2009
WILMA
Wagas na pagsuyo’y sa iyo’y inaalay
At pagmamahal kong katumbas ng buhay
Dusa ma’t hinagpis sa aki’y ibigay
Dina magbabago pag-ibig kong tunay
Iyong isaisip at isa ala-ala
Ang pag-ibig nati’y araw ang kapara
Kung may paglubog man sa tuwi-tuwina
Ito’y sisikat din bago mag-umaga
Laging mayroong ulap na darating
Na sadyang tatakip sa pag-ibig natin
Di man sinasadya’y kung puso’y masaling
Kung kasalanan mo ay uunawain
Maaaring mangyari’y sa aki’y magmula
Isang kasalanang hindi ma’t sinasadya
Upang ang pag-ibig ay wag nang masira
Aking hinihiling ang iyong unawa
Ang huling salitang sa iyo’y sasambitin
Laging isaisip at alalahanin
Bagyo ma’y dumating, langit may magdilim
Pagmamahal sa iyo’y di na magmamaliw