Tuesday, August 25, 2009

LIGAW NA PAG-IBIG

Abot kamay na pag-ibig na sa puso'y nakaukit
Abot tanaw nitong mata, kagandahang nasisilip
Yakap-yakap ng gunita, ang lambing na pinipilit
Na manatili't gustong kunin, at pangarap na maangkin

Subalit ang iyong pagdating ay may hadlang at may sagwil
Na halos nga sa buhay ko ay siyang sukat na kumitil
Paano ba'y naisin man ay hindi rin maging akin
Nagtitiis ang puso ko't nagbabata ng hilahil

Aking namang nadarama, ang gusto ko'y nais mo rin
Na tayo ay magkasama, habang buhay magkapiling
Subalit nga ang panaho'y bakit ngayon lang dumating
Hanggang kailan magtitiis, magdurugo ang damdamin.

Naglulubag itong puso, naglalaho ang pighati
sa tuwing tayo'y magniniig, maglalapat itong labi
Ang dusa ay naiibsan, ang hilahil napapawi
Kapag tayo;y nagdadaop, kahit lamang na sandali

Kapag ikaw ay malayo't lingat saking mga mata
Ang panlunas saking lungkot ang magandang ala-ala
Na tayo ay may damdaming nagtutugma at iisa
Ang puso mo;t ang puso ko'y pareho ng nadarama

Ang pag-ibig na minsan ma'y di nagkaron ng simula
Anu kayang katapusan ang 'bibigay ng tadhana
Patuloy ba na aasa't maghihintay lang sa wala
O hahayaang maglaho lang at mawala na ngang kusa

Sayang o sayang nga mga ligaw na pag-ibig
Sa isang puno sa dawagan, duon siya winawangis
Na ang bunga'y tinuturing na isang lason na mapait
Subalit ang siyang totoo'y malinamnam at matamis

Ang pag-ibig na kauri ay isang sukal sa paningin
Walang dangal, walang puri't kasalanan kung ituring
Subalit kung ang dalawa'y magkaisa ng damdamin
Kung ito ma'y kasalanan , ang mawasto'y ayaw na rin.

No comments:

Post a Comment